(Isang reaksyon ng isang ordinaryong estudyante ukol sa kaso ni Mary Jane Veloso)
Ang mga nangyari kay Mary Jane Veloso, isang OFW na nasa deathrow ng Indonesia nitong mga nakalipas na mga araw, ay isang napaka perpektong repleksyon ng nangyayari sa mga maralitang Pilipino. Sa kadahilanang walang makuhang trabaho dito sa Pilipinad, nagbaka-sakali si Veloso na siya ay makakahanap ng hanapbuhay sa dayuhang bayan upang mapakain ang kanyang pamilya, mapaaral ang kanyang mga anak, at mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mga kamag-anak. Ngunit imbis na makapagtrabaho, nahulihan si Veloso sa paliparan ng Indonesia na may nakatagong heroin – isang pinagbabawal na gamot – sa maletang ibinigay sa kanya ng kanyang recruiter na napagalamang ilegal. Nangyari ang lahat ng ito noong taong 2010, ngunit ngayong 2015 lamang nahatulan ng pagkamatay.
Napaka saklap ng kinahinatnan ng ating kababayan. Bilang nakatapos lamang hanggang first year high school at nagmula sa isang mahirap na pamilya, lingid sa kaalaman ni Mary Jane ang panlilinlang na ginawa sa kanya ng recruiter na ito. Lingid sa kaalaman niya na hindi dapat tumatanggap ng maleta o bagahe ang isang tao mula sa iba kapa siya ay paalis ng isang lugar sa pamamagitan ng eroplano. Lingid sa kaalaman niya na dapat may ginawa ang gobyerno para hindi siya mahatulan ng kamatayan. Lingid sa kaalaman niya na responsibilidad siya ng gobyerno ng bansang kanyang pinagmulan. Lingid sa kaalaman niya na dapat binigyan siya ng legal assistance simulat’ sapul pa lamang ng kanyang kaso. Lingid rin sa kaalaman ng kanyang pamilya’t mga kaibigan na nasa deathrow na ang kanilang anak, ina, pinsan, pamangkin, o kaibigan. Lingid sa kaalaman ng kanyang pamilya na dapat pinapaalam sa kanila ang tunay na kalalagayan ni Mary Jane sa ibang bansa. At lingid rin naman sa kaalaman nating lahat, masakit man marinig o mabasa, na may isa na pala tayong kababayan na papatayin sa kamay ng mga dayuhan dahil siya ay biktima ng human trafficking. Masakit malaman na hanggang ngayon, mula sa dalawa hanggang sa pitong daang kaso ng paghatol ng kamatayan sa mga Pilipino, wala pa ring aksyon o panukala ang naihahain upang maprotektahan ang mga karapatan ng mga OFW.
Bilang isang estudyante, wala man akong magawa sa pamamagitan ng malalaking bagay, napagtanto ko na may magagawa naman ako sa maliliit na bagay – tulad ng pagsusulat – upang maipahatid sa ibang tao na bulag at bingi pa rin sa mga nangyayari sa kanyang lipunang ginagalawan; at ito ang dahilan sa pagkakasulat ng artikulong ito. Isa lamang ang mensahe nitong artikulo: ang ipamulat sa tao ang mga bagay na hindi dapat, hindi tama, at hindi makatarungan.
Hindi dapat.
Hindi tama.
Hindi makatarungan.
Hindi dapat nangyari ang paghahatol ng kamatayan sa isang OFW kung nabigyan lamang siya ng marunong at tamang legal assistance ng gobyerno.
Hindi tama na ngayon lang umaksyon ang Department of Foreign Affairs (DFA) kung kailan may hatol na. Mapapatanong ka na lamang, “Anong ginawa nila sa nakalipas na limang taon?”
Hindi makatarungan na walang nagpaalam sa pamilya ng biktima ang nangyayari sa kanilang kamag-anak – lalo na kung ito ay nasa ibang bansa.
Hindi dapat mangingibang bansa ang mga tao kung may trabaho na naghihintay sa kanila sa kanilang mismong bayan na may sapat na sweldo para makamit ang kanilang mga pangangailangan.
Hindi tama na hayaan mo ang isang miyembro ng iyong pamilya – tutal sinasabi mo namang ikaw ang “ama ng bayan” – na mamatay sa kamay ng mga banyaga dahil alam mong inosente ang iyong anak.
Hindi makatarungan na pumatay ng tao upang makamit ang tunay na hustisya. Laging tatandaan na ang kamatayan ay hindi batayan ng kung gaano kaganda ang sistema ng hustisya sa iyong bansa.
Hindi dapat nagbubuwis ng buhay ang isang tao sa pamamagitan ng death penalty na nangibang bansa para matugunan ang mga pangagailangang dapat ang gobyerno niya ang tumutugon. Wala sanang umaalis ng bansa kung alam nila at nakikita nila na may maganda at maliwanag na kinabukasan para sa kanila.
Hindi makatarungan ang sinapit ni Mary Jane. Hindi makatarungang mamamatay siya sa isang kasalanan na hindi niya ginawa.
Ang nangyari kay Veloso ay isang malaking sampal sa ating gobyerno at mga namumuno. Isa itong sampal na nagpapahiwatig na oras na para buksan nila ang kanilang mga mata’t tenga sa dapat na pagpoprotekta nila sa mga OFW. Isa itong sampal na nagpapabatid sa kanila kung gaano ka-hindi epektibo ang kanilang sistema at kung gaano kalala ang kanilang pagpapabaya. Isa itong malaking sampal na gumigising sa kanilang mga natutulog na isip at diwa na may mga bagay na dapat unahin bukod sa pagpapayaman sa kanilang angkan. Isa itong sampal na nagsasabing hindi kailangan ng bayan ng lider na kilala lamang dahil sa kanyang pangalan o mga magulang. Ang kailangan ng bayan ay isang lider na handang tumugon sa kung anuman ang pangangailangan ng kanyang nasasakupan; na kapakanan ng mamamayan ang inuuna; na marunong makinig sa mga suhestiyon ng mga tao. Hindi namin kailangan ng mapaniil na liderato. Kailangan namin ng gobyernong maka-tao.
(Disclaimer: Ang opinyon na ito ay ayon lamang sa aking mga nabasa, narinig, at nalalaman. Hindi ko nirerepresenta ang anumang organisasyon o kilusan. )